2013 nang i-anunsyo na Tokyo ang magiging host sa 2020 Summer Olympics at Paralympic Games. Na postponed ito dahil sa COVID-19 Pandemic at ngayong Hulyo 2021 lang natuloy. Naging kakaiba ang Olympics ngayon dahil bawal ang spectators sa stadium. Pero kamangha-mangha pa rin ang paghahanda na ginawa ng bansang Japan.

Isa sa mga pinag-usapan ang mga medalya sa Olympics.Gawa sa recycled materials ang mga ito. Pati ang mga uniforms na suot ng mga torchbearers sa torch relay. Nagsimula ang kampanya ng Tokyo 2020 para sa Medal Project noong 2017. Hiningi nila na i-donate ng mga tao ang kanilang mga lumang electronic devices tulad ng laptops at mobile phones. Sinimulan ito sa Tokyo Metropolitan Government building. May isang daang katao ang unang sumali at nagbigay ng kanilang lumang cellphones. Target ng organising committee na makaipon ng walong tonelada ng metal.

Getty Images

Mula sa mga nalikom na gadgets manggagaling ang ginto, pilak, at tanso na gagamitin sa 5,000 medalya. Makakatulong din ‘to para hindi masayang ang mga ginto sa lumang electonic gadgets na itinatapon lang. Layunin din nito na mapaliit ang budget sa Tokyo 2020 na lumobo sa mahigit 3 Trillion Yen o $26.5 Billion dollars.

6.2 million na cellphones ang nakolekta ng Japanese phone operator na NTT DoCoMo. Apatnapung (40) cellphones ang kailangan para makakuha ng isang gramo ng gold. Pagkatapos ng koleksyon, dadaan ito sa dismantling, extracting, at refining. Saka palang ito ihuhulma sa disenyo ni Junichi Kawanishi. Siya ang nanalo sa 400 entries
na naglaban para sa disenyo ng mga medalya.

Si Junichi Kawanishi ang Representative at designer ng SIGNSPLAN. Isa rin siyang direktor sa Japan Sign Design Association at sa USD-O o Osaka Design Society. Ayon sa kanyang konsepto, ang design ay nagpapakita ng pagsisikap ng mga atleta. Mayroon rin itong myriad patterns na simbolo ng enerhiya ng mga atleta at ng mga  sumusuporta sa kanila. Diversity ang ipinapakita ng konsepto. Makikita rin sa medalya ang Greek goddess of victory na si Nike, na nasa harapan ng Panathinaikos Stadium.

Chemically recycled polyester fibres naman ang ginamit sa ribbons. Makikita rito ang traditional Japanese design motifs gayà ng ichimatsu moyo at kasane no irome. “Unity in Diversity” ang tema ng mga ribbons. Pino-promote rin rito ang brand vision ng Tokyo 2020 na “Innovation from Harmony”.

Inspired naman sa Tokyo 2020 Games emblem ang medal case design. Ginamitan pa ito ng traditional at modern techniques ng mga Japanese craftsmen. Magkakaiba ang bawat lagayan ng medalya at may sariling wood fibre patterns ang bawat case.

Para sa mga mamamayan ng Japan, naging parte na rin sila ng palaro dahil sa kanilang mga lumang cell phones. Sa Rio 2016 Olympic Games, 30% recycled materials lamang ang ginamit sa medalya. Ngunit ngayon lahat ay mula sa recycled materials. Ito ang unang pagkakataon na lahat ng ginamit ay recycled materials. Ganun din ang mga uniforms ng torchbearers.

Plastic bottles naman ang ginamit sa white T-shirts at trousers ng mga torchbearers. Nakipag-collab ang Tokyo Olympic Association design team sa Coca-Cola. May pulang diagonal sash na disenyo ang mga T-shirt, shorts, at trousers. Si Daisuke Obana ang designer ng mga uniforms. Ang pulang sash sa disenyo ay katulad sa baton na ginagamit sa Ekiden, ang sikat na long-distance relay ng Japan. Isusuot ng 10,000 volunteers ang mga ‘to sa torch relay.

“Moving Forward” ang konsepto ng opening at closing ceremonies ng Tokyo 2020 Olympic and Paralympic Games. Kaugnay ito ng pag-recover ng buong mundo mula sa COVID-19 Pandemic. Nais ng Tokyo 2020 na maging legasiya ng Tokyo 2020 Olympics ang “sustainability.”