Madalas na mabasa o marinig natin ang pangalang “Isko Moreno” sa balita man o social media. Siya ang kasalukuyang alkalde o mayor ng Maynila na kilala rin bilang “Yorme.” Naging matunog ang pangalan niya mula nang mahalal siya noong May 2019 bilang ika-22 Mayor ng Maynila

Sino si Isko Moreno?

Ang totoo niyang pangalan ay Francisco Domagoso. Siya ang nag-iisang anak nina Rosario ng Allen, Samar at Joaquin ng San Jose, Antique. Laking Parola, Tondo, Manila si Isko.

Naranasan niyang mangalakal ng bote, bakal, at basura sa murang edad pa lamang. Nagtrabaho rin siya bilang pedicab driver dahil sa kahirapan ng buhay. Hanggang sa magbukas sa kanya ang pintuan ng showbiz noong 1993.

young isko moreno

Una siyang lumabas sa patok na patok na “That’s Entertainment” ni German Moreno. Ito ang nakatulong kaya unti-unting nakaahon sa kahirapan ang kanyang pamilya. Iniwan niya ang showbiz nang pasukin niya ang Pulitika noong 1998.

Nahalal siya bilang pinaka-batang konsehal sa edad na 23. Hanggang sa umabot na siya sa pagkapanalo bilang Mayor ng Maynila. Dahil sa mga nagawa niya para sa lungsod, marami ang nagtutulak kay Isko na tumakbo sa Presidential Election sa 2022.

isko moreno on politics

Marami ang humanga sa kanyang nagagawa at naniniwala na kaya niyang maging presidente ng bayan. Tanungin muna natin sa ating mga sarili: Ano ang mga nagawa ni Isko na pagbabago sa Maynila?

Narito ang ilan sa mga nagawa niya:

  1. Ang Pagsasaayos sa Divisoria

Una at pinakasikat na pagbabago na nagawa niya ay ang paglilinis ng Divisoria. Dinarayo ang Divisoria sa mura at napakaraming produkto na mabibili rito. Pero kilala rin ito na napakarumi dahil sa basura, mahirap daanan dahil sa mga street vendors, At napakadelikadong pamilihan din ito dahil sa mga snatcher, holdaper, o magnanakaw.

Sa simula ng kanyang panunungkulan, ipinag utos na niya kaagad ang pagsasaayos sa Divisoria. Ipinalinis niya ito at pinaalis ang mga street vendors. Kahit na marami man ang humahadlang at nagpoprotesta, ipinagpatuloy niya ito.

Kaya ngayon, makikita natin na malinis at maayos na ang Divisoria.

  1. Financial Assistance para sa mga estudyante

Magbabahagi ang Maynila ng P1,000 student allowance buwan-buwan sa bawat mag-aaral ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at Universidad De Manila (UDM). Ibibigay ang allowance basta’t walang bagsak sa kanyang grado ang estudyante.

  1. P500 Pension

Magbibigay ang Maynila ng buwanang pensyon na P500 para sa mga senior citizens, persons with disability (PWD), at solo parents na mamamayan nito.

  1. Pagsasaayos ng monumento ni Andres Bonifacio sa Lawton

Nakita ni Isko ang dumi at basura sa monumento at agad rin na ipinag-utos ang rehabilitasyon nito. Sinabi niya, “That is the office of the mayor, the seat of power of the City of Manila. Tapos eto, amoy tae rito. Nagkalat,”

Inalis niya sa pwesto si Police Lt. Rowel Robles, ang Police Community Precinct commander ng Lawton, dahil sa kapabayaan nito. Malinis at maganda na ang monumento sa kasalukuyan na nararapat lamang bilang respeto sa ating bayani.

  1. Pagbabawal sa mga tindahan na malapit sa mga eskwelahan na magbenta ng alak

Ang mga tindahan na nasa loob ng 200 metrong layo mula sa mga eskwelahan ay bawal magbenta ng alak. Ginawa niya ito upang mailayo ang mga estudyante sa tukso

Ipinalinis rin niya ang Quiapo at underpass, isinaayos ang Jones Bridge, at marami pang iba. 

Kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa sa simula ng kanyang panunungkulan. Malaki ang potensyal ni Isko na maging mahusay na lider sa mas mataas pang posisyon. Ngunit sapat na bang maging basehan para maging susunod na presidente ang kanyang mga nagawa para sa Maynila?

Ikaw, iboboto mo ba si Isko Moreno kung tatakbo siya sa Presidential election 2022?