Sa nakaraan natin article tungkol sa Cryptocurrency, nabigyan kayo ng maikling introduction para maintindihan ‘to. Ang Cryptocurrency ay isang virtual money na may seguridad dahil gumagamit ‘to ng cryptography. Nabanggit rin na hawak ng gobyerno ang mga pera natin sa bangko at mga cards. Kaya naman, magandang alternatibo ang cryptocurrency sa paghawak ng pera.┬áBasahin dito kung anu-ano ang magandang maidudulot o benefits of Cryptocurrencies dito.

Dahil una sa lahat, decentralized ang cryptocurrency. Ibig sabihin, walang bangko ang may hawak nito. Isa sa pinakamagandang katangian ng Cryptocurrencies ay walang awtoridad ang namamahala nito. Hindi ito sakop ng may kapangyarihan. Kaya hindi ito mapapakialaman o mamamanipula ng gobyerno.

Narito ang mga bagay na mabibigyan ng solusyon ng Cryptocurrencies o benefits of Cryptocurrencies, dahil sa katangian nitong decentralized:

Una, matatanggal nito ang mahal na pag-imprenta ng pera

May mga sentral na bangko ang gobyerno. May kakayahan na mag-imprenta ng pera ang mga bangko kung gugustuhin nila Lalo na kung nahaharap sa problema ang ekonomiya ng isang bansa. Tinatawag itong, “quantitative easing”

Kapag nag-imprenta ng maraming pera, maaaring maalis nito ang utang ng bansa. Ngunit magiging sobrang mababa ang halaga ng pera at tataas naman ang inflation. Magiging mahal ang mga bilihin hanggang sa ang halaga ng pera ng mga tao ay katumbas na lang ng isang rolyo ng toilet paper. Isa ‘to sa pinagkaiba ng mga Cryptocurrency. May limitasyon ang mga ito.

At kapag naubos na ang mga coins na ito, walang sinuman ang maaaring magdagdag pa ng mga panibago. Hindi kagaya ng mga fiat currency na bumababa ang halaga taun-taon.

Pangalawa, mapupunta sa mga tao ang kontrol sa mga pera nila. 

Sa tradisyunal na paghawak natin sa pera, maaaring galawin ng gobyerno ang ‘yong bank accounts. Kaya nilang i-freeze o i-deny ang ‘yong access dito. Sa cryptocurrencies, ikaw lamang ang may hawak sa’yong pera.

Pangatlo, mapapababa nito ang gastos dahil inaalis o pinabababa nito ang mga exchange rates, interest rates, transactions charges, o iba pang mga fees na ipinapataw ng bangko o ng bansa.

Mas madali at mas mabilis ang mga transaksyon dahil sa peer-to-peer (P2P) o palitan ng dalawang partido na di kailangan ng middleman. Walang middleman gaya ng bangko kaya mas mababa na ang palitan o pagpapadala.

Pang-apat, maaaring gumamit nito ang mga walang bank accounts.

Malaking porsyento ng buong populasyon ay hindi nakagagamit sa mga serbisyo ng bangko. Dahil sa Cryptocurrencies, makakagamit at pwedeng makapagbayad ang kahit sino na may mobile phone.

Alam mo ba na mas marami ang may mobile phone kaysa sa merong bank accounts? Kaya naman, kahit sino ang pwedeng gumamit ng mga cryptocurrencies.

Panghuli, nababawasan nito ang korapsyon.

Kapag ang kapangyarihan sa pera ay nasa ilang tao o isang entity, mas malaki ang posibilidad na abusuhin nila ang kanilang awtoridad.  Nasosolusyunan ng Cryptocurrencies ang isyu na ‘to dahil ang kapangyarihan ay hawak ng maraming tao o ng buong network.

Nakita mo na ba ang ikinaganda nito? Pag-usapan natin sa susunod ang pinakaunang cryptocurrency – ang Bitcoin.