Hindi maitatanggi na ang karamihan sa atin ay inip na inip na sa kanya kanyang tahanan. Marahil ang iba ay kating kating na ang mga paang gumala. Lalo na at papalapit na naman ang SUMMER, marami sa atin ang nangangailangan na ng “Vitamin SEA.” Huwag kayong mag alala, hayaan niyong igala muna kayo ng PINOY VIBES sa mga nag gagandahang lugar ng Pilipinas! Ang una nating destinasyon ay ang magandang isla ng BORACAY!

O ANO? NA EXCITE KA ANO? HETO NA NGA…

Ang magandang isla ng Boracay ay matatagpuan sa Kanlurang Bahagi ng Kabisayaan, may haba itong 7km at 1 km ang laki, may humigit kumulang na 315 na kilometro o 196 na milya sa timog Maynila at 0.8 kilometro naman ang layo mula sa hilagang kanlurang Panay Island.

Photo Credit: traveldailymedia

Ang isla ay mayroong tatlong barangay, ang Manoc Manoc, Balabag at Yapak sa Munisipalidad ng Malay, lalawigan ng Aklan.

BAKIT NGA BA SIKAT ANG BORACAY?

Kilala ang tropikal na isla ng Boracay dahil sa nakamamanghang puting buhangin nito, malinaw na asul na tubig dagat, magandang tanawin at sariwang hangin. Talaga namang Paraiso diba?

Katunayan ilang beses lang naman nagawaran ng parangal ang isla at nakikipag kompetensya sa magagandang isla sa buong mundo.Ang isla ay ginawaran ng “BEST ISLAND IN THE WORLD” noong 2012 ng international travel magazine. Noong 2014, muling nag top sa listahan ng international magazine Condé Nast Traveler ang isla ng “Best islands in the world. ”

Kaya naman hindi mo masisi na napakarami ang gustong mamasyal sa isla.Bukod sa isla, syempre hindi mawawala ang mga kainan at magagandang Hotel. Marami din ibat ibang activities ang pwedeng gawin gaya ng pagsakay sa Banana boat, mag jetski at mag snorkeling. Sa gabi naman mayroong mga bar na nagbubukas para sa mga mahilig sa nightlife.

Syempre hindi kumpleto ang iyong pagbabakasyon kung wala kang pasalubong! Nagkalat din ang mag bilihan ng pasalubong na pagkain at souvenirs doon at maaari ka ring magpa henna tattoo! Oh ano? Tara naba? Alis na tayo?